Inilunsad ng Philippine National Police (PNP) gayundin ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang “Bayaning Pulis Foundation”.
Ito ang kauna-unahang foundation na sadyang itinatag para magbigay scholarship sa mga anak ng mga pulis na nagbuwis ng buhay o dili kaya’y hindi na kinakaya pang gampanan ang kanilang tungkulin matapos sumabak sa operasyon.
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Ysmael Yu, sasagutin na ng foundation ang pag-aaral ng mga bayaning pulis mula elementarya hanggang makatapos ang mga ito sa kolehiyo.
Nagpasalamat naman si PNP Chief P/Gen. Camilo Cascolan sa kay PCCI President Benedicto Yujuico na chairman din ng Bayaning Pulis Foundation gayundin sa iba pang mga tumulong para masimulan ito.
Pagmamalaki pa ni Cascolan, maituturing na milestone ang pagkakatatag ng nasabing foundation para sa PNP patrol plan 2030 na nakatutok sa kapakanan ng mga miyembro ng pambansang pulisya.