Wala mang prusisyon ay hindi pa rin mawawala ang selebrasyon.
Ito ang binigyang diin ni Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church, sa panayam ng DWIZ, kasunod na rin nang pagkansela ng tradisyunal na Traslacion ng Poong Itim na Nazareno ng Quiapo dahil sa banta pa rin ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Fr. Badong, kailangang intindihin ng mga deboto ng Poong Itim na Nazareno ang kasalukuyang sitwasyon sa bansa, lalong-lalo na sa Metro Manila, kung saan ay may umiiral pa ring mga protocols upang maiwasan ang pagkalat pa ng virus.
Kailangan nating intindihin ‘yung sitwasyon natin. Hindi pwedeng ang deboto, igiit ang kanilang pamamanata na may masasakripisyo naman na kaligtasan ng iba,” ani Fr. Badong.
Mahalaga aniyang maging tagapagpalaganap ng magandang balita ang mga deboto ng poon, sa halip na maging sanhi pa ng paglaganap ng virus.
Ang hangaran natin ay, ang deboto ay hindi maging spreader ng virus, kun’di maging spreader ng good news,” ani Fr. Badong.
Binigyang diin din ni Fr. Badong na bagaman malaki ang pagbabago ngayon para sa mga deboto ng Nazareno, gaya na lamang ng pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno online, ay hindi pa rin magbabago ang pagpapalang matatanggap ng mga namamanata rito.
Sa lahat ng mga deboto, mapa nandito sa Quiapo, o nasa mga screen lang, sa Facebook page o Youtub, e, parehong pagpapala po ang matatanggap ng mga deboto na mamamanata,” ani Fr. Badong. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882