Agad na gumanti ang France sa ginawang pag-atake ng Islamic State of Iraq and Syria o ISIS sa Paris.
Ito’y matapos bayuhin ng French warplanes ang mga kuta ng ISIS sa Raqa, Syria kung saan nawasak ang isang command post at training camp ng grupo.
Ayon sa Defense Ministry, ito ang kauna-unahang air strike laban sa ISIS matapos ang serye ng mga pag-atake sa Paris.
Sinasabing 12 warplanes na kinabibilangan ng 10 fighter bomber ang nagbagsak ng mga bomba sa mga kuta ng Jihadist group.
Sinabi ng Ministry na naisagawa ang mga air strike sa pakikipagtulungan na rin ng American forces.
Kaugnay nito, nagbanta si U.S. President Barack Obama na paiigtingin nito ang mga hakbang upang malipol ang Islamic State of Iraq and Syria o ISIS.
Ayon kay Obama, ito’y upang wala nang maganap na karahasan tulad ng mga pag-atake sa Paris nitong weekend na ikinasawi ng mahigit 100 katao.
Sa G-20 Leaders Summit sa Turkey, inilarawan ni Obama ang mga pagpatay sa Paris bilang pag-atake sa sibilisadong mundo.
Nangako naman si Obama na tutulong ito sa pamahalaan ng France sa pagtugis sa mga salarin.