Nagpahayag ng pagkabahala ang bansang France sa planong panunumbalik ng parusang kamatayan sa Pilipinas.
Sa pahayag ng French government sa 15th World Day Against Death Penalty at 40th Anniversary of the Last Execution sa France, iginiit nito na hindi makatarungan, hindi makatao at hindi epektibong parusa ang pagbitay.
Binigyang-diin pa ng French government na kanilang ipinag-aalala ang determinasyon ng pamahalaan ng Pilipinas na muling buhayin ang death penalty matapos ito ipawalang bisa noong taong 2006.
Ikinababahala din ng France ang patuloy na pagsasagawa ng parusang kamatayan sa China, Iran, Pakista, Iraq at Estados Unidos, kasabay ng pagpuri sa mga bansang Mongolia, Gambia, Benin, Nauru at Guinea sa pagtanggal nito.
Magugunitang, mariing binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang European Union o EU, dahil hayagang pagtutol nito sa planong pagbabalik ng death penalty sa bansa.