Itinaas sa edad 75 pababa ng France ang mga babakunahang mamamayan nito kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19 vaccine).
Ito ay kasunod ng pag-anunsyo ng pamahalaan ng France na tanging 65 taong gulang pababa lamang ang maaaring bakunahan ng nasabing bakuna.
Ayon kay Health Minister Olivier Veran, ang ginawang pagtaas sa age limit ng tuturukan ng bakunang gawa ng Astrazeneca ay magdudulot ng mas maraming mababakunahan na aabot sa 2.5 milyon katao sa mga susunod na linggo.
Makatutulong anila ang hakbang na ito upang mas mapabilis ang kampanya ng bansa sa pagbabakuna na pinupuna dahil umano sa mabagal na aksyon ng pamahalaan.
Magugunitang nitong Sabado lamang ay nakapagbakuna na ang France ng nasa 4.55 milyon nitong mamamayan mula sa bakunang likha ng Astrazeneca, Pfizer/BioNTech o Moderna.
Samantala, ilang bansa na rin ang unang nag-anunsyo na edad 65 pababa lamang ang maaaring bakunahan ng nasabing bakuna kabilang na ang Germany, Italy at Austria dahil umano sa walang sapat na impormasyong nagpapatunay ng efficacy rate nito sa mga nakatatanda.— sa panulat ni Agustina Nolasco.