Inilagay na rin ng Inter-Agency Task Force ang France sa red list ng Pilipinas, epektibo Disyembre 10 hanggang 15 sa gitna ng banta ng Omicron variant ng COVID-19.
Ito, ayon kay Acting Presidential Spokesman at Cabinet Secretary Karlo Nograles, ay makaraang umabot na sa mahigit 30 ang kaso ng Omicron variant sa nasabing bansa.
Ang France na ang ika-15 bansa na kasama sa red list na pawang mayroong Omicron cases.
Dapat anyang sumailalim sa facility-based quarantine ng dalawang linggo at swab test sa ikapitong araw ang sinumang dumarating mula France simula Disyembre a-10 hanggang alas 12:01 ng hatinggabi ng a-13.
Gayunman, hindi na makakapasok ang mga biyaherong darating ng alas 12:01 ng hatinggabi ng a-13 hanggang a – 15 sa kahit saang port.
Tanging mga Filipino na magbabalik-bansa sa pamamagitan ng government-initiated o non-government-initiated repatriation at bayanihan flights ang maaaring payagang makapasok.