Lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipapasang batas ng kongreso na maggagawad ng prangkisa para sa TV broadcast giant na ABS-CBN.
Ito ang pagtitiyak ng Malakaniyang sa harap na rin ng usapin hinggil sa nangyaring pagsasara ng nasabing broadcast network nitong nakalipas na linggo.
Ayon kay Presidential Spokesman Sec. Harry Roque, hindi ibi-veto ng Pangulo ang franchise bill ng ABS-CBN kung mapatutunayang wala namang nilabag sa saligang batas ang nasabing himpilan.
Sa ganitong paraan sinabi ng kalihim, ipakikita lang ng Pangulo na wala siyang kinikilingan dahil iginagalang nito ang kapangyarihan at independensya ng kongreso.
Kinausap din aniya ng Pangulo ang mga kaalyado nito sa kamara at binilinang maging patas aniya sa usapin ng legislative franchise ng ABS-CBN.