Tila minadali ng house committee on legislative franchises ang pag-apruba sa franchise applications ng Maynilad at Manila Water.
Pananaw ito ni house deputy speaker at bagong henerasyon partylist representative Bernadette Herrera-Dy at naniniwala rin siyang kulang ito para proteksyunan ang consumers laban sa pang-aabuso at kuwestyonableng gawain ng water concessionaires.
Partikular na tinukoy ni Dy ang taliwas na nilalaman ng house bill 9313 at 9367 sa nakasaad sa revised concession agreement (RCA) ng gobyerno at ng Manila Water at Maynilad kung saan nakasaad ang pagpapatuloy ng concessions hanggang July 2037 o 16 na taon samantalang sa dalaang panukala ay bibigyan ng 25 year franchise ang mga ito.
Kailangan aniya suriing mabuti ang nilalaman ng dalawang panukalang batas at kawalan ng probisyon para sa dispute resolution na taliwas pa rin sa article 13 ng RCA.
Marso nang maghain si Dy ng panukalang congressional review sa pakikipag-usap ng gobyerno sa Manila Water at Maynilad dahil karapatan aniya ng publiko na malaman ang mga pagbabago sa kasunduan.