Isinusulong ngayon sa senado ang panukalang naglalayong ilibre na sa professional examination fee ang mga mahihirap na nagtapos ng kolehiyo.
Layon ng Senate Bill No. 276 o Free Professional Examinations Act na malibre sa pagbabayad ng professional examination fee ang mga nagtapos na ang pamilya’y may sapat lamang na kinikita para matustusan ang mga pangunahing pangangailangan.
Inaatasan naman nito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na salain ang mga aplikante para malibre sa board exam.
Ayon kay Sen. Lito Lapid, naghain ng panukala, dagdag pabigat lang para sa pamilya ng mga mag-aaral kung maglalaan na naman sila ng pera para lamang makasama sa mga kukuha ng licensure o professional examination.
Kabilang sa mga pagsusulit na sakop ng panukala ay ang licensure examination na pinamamahalaan ng professional regulations commission, eligibility examination ng civil service commission, gayundin ang bar examination na sinasagawa ng Supreme Court.