Inamin ng economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi kakayanin ang libreng matrikula para sa lahat ng mga mag-aaral sa kolehiyo.
Ito ang tugon ni Budget Secretary Benjamin Diokno sa mga tanong ni Kabataan Partylist Representative Sarah Elago kasunod ng isinagawang briefing sa Kongreso para sa panukalang pambansang budget sa susunod na taon.
Paliwanag ni Diokno, sakaling maging ganap na batas ang panukalang magbibigay ng libreng edukasyon sa mga mag-aaral sa kolehiyo, kakailanganin aniya ng 100 bilyong pisong alokasyon ng pamahalaan para rito.
Sa panig naman ni NEDA Director General Ernesto Pernia, masyadong malaki ang naturang pondo at hindi ito kayang panatilihin ng pamahalaan.
Lagda na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay ng nasabing panukala at ganap itong maisasabatas kahit hindi lagdaan pagsapit ng Agosto 5.
By Jaymark Dagala