Target ng DICT o Department of Information and Technology na makumpleto sa buong bansa ang libreng Wi-Fi connection sa publiko sa susunod na tatlo hanggang apat na taon.
Ayon kay DICT Undersecretary Eliseo Rio, bago pa man naisabatas ng Pangulong Rodrigo Duterte ang free Wi-Fi connection ay nakapaglatag na sila ng 600 sites na mayroong access points sa internet.
Bubuksan anya nila sa lahat ng internet service providers ang bidding para sa kung sino ang puwedeng makapagbigay ng mas magandang serbisyo para sa libreng Wi-Fi.
Sinabi ni Rio na target nilang makapaglatag ng 200,000 access points sa mga susunod na taon.
“Mag-iinvest ang gobyerno sa imprastrakturang ito, yung mga Wi-Fi equipment magkakaroon tayo ng memorandum of agreement between municipalities na paglalagyan nito, sila ang mag-aalaga ng mga equipment at yung kuryenteng gamit diyan, ang private sector, magkokontrata ang gobyerno sa kanila on a bidding process at dito ay gagamitin ang mga tintawag na small players.” Ani Rio
Pinawi ni Rio ang pangamba na magiging mabagal rin naman ang free Wi-Fi na ibibigay ng gobyerno kayat mababalewala lang ang batas.
Sinabi ni Rio na mayroon silang standards na susundin sa paglalagay ng Wi-Fi para matugunan ang pinaka ayunin nito na mapadali ang transaksyon ng taongbayan sa ilang ahensya ng pamahalaan tulad ng pagkuha ng NBI clearance, at iba pang dokumento sa pamamagitan lamang ng online transaction.
“Hindi po bababa sa 250kbps download, mabilis yan, kung mag-Youtube walang buffering na mangyayari, ito po ay ikakalat sa buong Pilipinas, sa lahat ng public places, isang objective din ay ang serbisyo ng gobyerno kunwari sa pag-apply ng NBI clearance o passports.” Pahayag ni Rio
Elections
Samantala, malaking papel ang gagampanan ng batas sa free Wi-Fi pagdating ng eleksyon.
Ayon kay Rio, prayoridad nilang lagyan ng libreng Wi-Fi ang lahat ng pampublikong paaralan na ginagamit na presinto tuwing eleksyon.
Sa mga ordinaryong araw aniya ay para ito sa mga estudyante subalit pagsapit ng eleksyon, ang free Wi-Fi na ang gagamitin sa pag-transmit ng mga boto mula sa mga gagamiting makina sa eleksyon.
Nilinaw ni Rio na isasailalim sa COMELEC o Commission on Elections control ang mga paaralang ginagamit na presinto pagdating ng panahon ng eleksyon kayat hindi ito puwedeng magamit ng mga estudyante.
“Every year gumagastos tayo ng malaking halaga para lang mai-transmit yung ating ballot results, with this in place na yung transmission sa mga schools na gagawing presinto. Regularly ang free Wi-Fi ay gagamitin ng mga estudyante pero during elections ay under COMELEC control ito.” Dagdag ni Rio
By Len Aguirre | Ratsada Balita Interview