Unti-unti nang nararamdaman ang pagbabago sa ating mga terminal lalo na’t gusto nating maalis na nang lubusan ang bansag sa atin na “worst airport” sa buong mundo.
Kaya naman, para masimulan ang pagbabago, angkop lamang na palitan ang mga namumuno o opisyal.
Ngayon, inilagay ng Duterte Administration si dating Cathay Pacific Country Manager Ed Monreal bilang General Manager ng Manila International Airport Authority (MIAA) kapalit ni Retired General Angel Honrado, na kamakailan lamang ay nabunyag ang kanyang responsibilidad sa MIAA ay isang “coordinator” lamang.
Marami tayong gustong mangyaring pagbabago sa mga terminal at paliparan na rin sa NAIA, halimbawa na lamang ang kalinisan.
Makailang beses na tayong bumiyahe mapa-domestic man o international, at madalas ang batayan ng magandang terminal ay ang mga palikuran o “comfort room.
Hindi tuloy nating maiwasang ihambing ang mga palikuran sa mga terminal sa ibang bansa na mistula nang parang hotel dahil sa ubod nitong linis.
Kaya naman, isa sa uunahing utos o marching orders ng bagong pinuno ng Department of Transportation (DOT) ay dapat ipasa sa mga airline companies ang pagpapanatili ng mga CR na malinis.
Ibig sabihin nito ay ipinauubaya na raw ng MIAA at ng Dept. of Transportation ang kanilang responsibilidad sa mga airliners na dapat nilang ayuisn at linisin ang mga CR sa mga terminal.
Pero dito ako napakamot ng ulo, bakit nga ba sila?
Hindi ba kaya ng ating gobyerno na pangunahan at gastusan ang pangangailangan ng mga terminal.
Di ba’t nagbabayad naman ang ating mga pasahero ng terminal fee upang pagtungtong nila sa ating mga terminal ay kaaya-aya naman ang ating madadatnang kaayusan at kalinisan sa lugar.
Batid natin na may respsonsibilidad din ang mga airlines sa kalinisan, pero huwag niyo namang i-asa sa kanila ang lahat.
Bakit, takot ba kayo na masisi ng taumbayan sa hinaharap kapag hindi nila nagustuhan ang mga pagbabagong inyong ipatutupad.
Puwes, dapat bago niyo ipasa sa mga airline companies ang inyong responsibilidad, kayo muna dapat ang manguna at maging ehemplo sa paglilinis ng ating terminal.
###
Magkakaroon na raw ng free Wi-fi access ang ilang lugar na madalas dinadagsa ng publiko, tulad ng lahat ng transportation hubs, malls, pantalan at mga pampublikong paaralan.
Ika nga ng mga netizen, tila sumasabay na ang gobyerno sa makabagong teknolohiya at way of life ng mga Filipino.
Kung ihahambing ang ating bansa sa mga kalapit na bansa sa Asya tulad ng Hongkong, South Korea at Japan, aba’y ang wi-fi nila ay libre sa kanilang mga terminal at ilang mga public places tulad ng mga malls.
Dito sa Pinas, hanggang pangarap lamang tayo at kung gusto mong magka-wi-fi, aba’y bumili ka muna ng kape at pagkain para magkaroon ka ng access sa free internet.
Kung sabagay, wala namang libre sa panahong ito, pero ang tanong bakit nagagawa naman ito ng ibang bansa.
Mabuti’t naglakas loob na ang ating pamahalaan na magkaroon ng ugnayan sa mga higanteng telecommunication companies nag gawing libre na ang wi-fi sa mga pampublikong lugar lalong-lalo na sa airport terminal, seaports, bus terminals, at mga train stations (MRT/LRT/PNR).
Halimbawa na lamang itong Globe Telecoms ay nauna nang nakipag-kasundo sa Dept. of Transportation noong Hunyo para sa free wi-fi access sa MRT stations.
At batay sa impormasyong nakarating sa inyong lingkod, nasa pipeline na ng Globe ang sa mga Airport terminals.
Gayundin, ang Wi-Fi project ng kompaniya ay gagawing nationwide at masusubukan na raw ito ng mga netizens sa mga Ayala Malls at ilang mga kilalang coffee shops.
Ika nga nila, “once it pops, you have to try it…for free”.
Siguruduhin niyo lang na libre ito at walang dagdag pasanin o gastusin mula sa publiko!
Sa panig naman ng Smart-PLDT, maglalagay na rin sila ng free Wi-Fi access sa mga airport, seaport at bus terminals.
Hangad nilang mapag-serbisyuhan ng mahusay ang milyon-milyon nilang mga biyahero.
Bagamat magandang balita ito na hindi naisip ng nakaraang administrasyon, baka puwedeng bukod sa libre, dapat matiyak ng pamahalaan na isaalang-alang din ang bilis ng speed ng internet dahil sa katunayan, walang silbi ang libreng internet kung usad pagong naman ang pag-access sa data ng mga user.