Iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go na walang kinalaman sa freedom of expression o malayang pamamahayag ang pagsasampa niya ng kaso laban sa isang college student na nagpost ng isang libelous post laban sa senador.
Ayon kay Go, wala siyang laban sa karapatang tinatamasa ng mga Pilipino sa malayang pamamahayag, ngunit kailangan din aniya maintindihan ng marami na mayroon itong kaakibat na responsibilidad.
Ani Go, mayroon din siyang pamilya at anak na nasasaktan sa mga ipinupukol na isyu na wala namang katotohanan at pawang mga paninira lamang.
Mensahe ni Go sa kaniyang mga kritiko, malaya kayong ipahayag ang inyong mga opinyon lalo kung ito ay alam niyong totoo.
Ngunit kung ang layon lamang niyo ay manira sa pamamagitan ng pagpapakalat ng fake news ay dapat handa rin kayong panagutan sakaling mapatunayang mayroon kayong nilabag na batas.