Ini-award na ng National Telecommunications Commission (NTC) sa Advanced Media Broadcasting System (AMBS), na pag-aari ng bilyonaryong si Manny Villar ang frequency ng channel 2 at 16 na iba pang frequency na nahinto ang operasyon dahil sa pagtatapos ng prangkisa ng ABS-CBN.
Nilagdaan nina NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, Deputy Commissioners Edgardo Cabarios at Delilah Delis ang provisional authority sa AMBS.
Ito’y para sa paglalagay, operasyon at maintenance ng digital TV Broadcasting sa Metro Manila at Mega Manila Area gamit ang Channel 16 frequency para sa pagsasahimpapawid ng Studio 23.
Sa kautusan noong January 6, 2022, pinagkalooban din ng N.T.C. ang kumpanya ni Villar ng temporary permit upang magsagawa ng Test broadcast gamit ang Channel 2 analog TV frequency na dating pag-aari ng kapamilya network.
Bago ipagkaloob sa Real-Estate Tycoon ang Digital TV License, kumonsulta muna ang NTC sa Department of Justice, kung saan nakatalaga ang manugang ng dating senate president na si Emmeline Aglipay-Villar bilang Undersecretary.
Taong 2018 nang italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DOJ si Aglipay, asawa ni senatorial candidate at dating DPWH Secretary Mark Villar.
Kilala ang nakatatandang Villar na supporter ni Pangulong Duterte nang tumakbo ito sa pagka-presidente noong 2016.