Dumadaing na ang mga frontliner sa Biñan Hospital sa Laguna.
Kahit daw ang pagpunta sa CR o umihi ay hindi na nila magawa dahil sa dami ng kanilang pasyente lalo na ang mga tinamaan ng COVID-19.
Dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 ay hindi maiwasang makaramdam ng takot ang mga nurse na nagtatrabaho roon. Natatakot sila na baka mahawa nila ang kanilang mga pamilya sa tuwing sila ay uuwi sa kanilang tahanan.
Pero patuloy silang lumalaban dahil mayroon silang sinumpaang tungkulin.
Lubha rin silang nalulungkot sa tuwing hindi nila natutugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga pasyente.
Sa nakalipas na apat na araw, anim na pasyente na tinamaan ng COVID-19 ang binawian ng buhay sa ospital ng Biñan.
Hirap na rin ang mga crematorium sa lugar dahil sa dami ng mga namatay dahil sa COVID-19 na kailangang sunugin.
Kada araw, umaabot sa 25 hanggang 30 ang nakukumpirmang bagong kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Hiling ng ospital sa lungsod na sana ay mapabilis ang bakunahan at madagdagan pa ang suplay nito sa kanilang lugar para mabawasan ang severe case ng COVID-19 sa kanilang lugar.—sa panulat ni Angelo Baino