Walang plano ang frontliners na maliitin ang pamahalaan nang lumabas sila upang ipanawagan na ibalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila.
Ayon kay Dr. Jose Santiago Jr., pangulo ng Philippine Medical Association (PMA), nais nilang makatulong sa pamahalaan upang makahinga ang lahat at matiyak na tama ang ating mga ginagawa upang labanan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Santiago na nais nilang ipunto ang mga natutunan na dapat natin sa nagdaang apat na buwan at mapaghandaan ito sa mga susunod na linggo.
Isa sa problemang inilatag ng health workers ang problema sa kakulangan ng health workers kung saan ang dating one-on-one na nurse at pasyente ay naging isang nurse para sa 10 hanggang 15 COVID-19 patients.
Ang ilan pa sa mga tinukoy nilang problema ang kabiguan na matagpuan ang coronavirus carriers dahil sa hindi accurate na rapid antibody tests, mga pagkakamali sa quarantine protocols, kakulangan ng public transport, pagsuway ng publiko sa health guidelines, paglabag sa quarantine rules sa work places at nababalam na distribusyon ng cash aide para sa mga nawalan ng trabaho at mahihirap na pamilya.
Una nang sinita ng pangulo ang paglabas ng health workers dahil pangmamaliit anya ito sa gobyerno.