Posibleng dulot ng pagkabigo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kampanya kontra droga ang naging dahilan kung bakit nabago ang pananaw nito hinggil sa legalisasyon ng medical marijuana sa bansa.
Ito’y ayon kay Senador JV Ejercito, chairman ng Senate committee on health, kung saan tatlong taon na aniyang gumugulong ang kampanya ng war on drugs ngunit hindi pa rin napupuksa ang problema sa droga.
“Sa tingin ko nga yung frustration niya sa war against drugs, kahit na all out war nga for the past three years andiyan pa rin. So, palagay ko out of frustration kaya naging ganyan ang posisyon ng pangulo nagbago kaya nga dahil nga siguro sumobra siyang frustrated. Medyo hindi nga maganda ang mood niya dahil nga talaga sabi niya, papatayin niya itong mga kilalang personalities. Mukhang frustration na lang ng pangulo ‘yan.” Pahayag ni Sen. Ejercito.
Gayunman sinabi ni Ejercito na mas mainam na buksan na ang pagtalakay at mga pagdinig hinggil dito upang mapagaralan na ang benepisyo at mga kinakailangang ipatupad sakaling matuloy ang naturang legalisasyon sa susunod na mga termino.
Samantala, magugunitang binawi ng pangulo ang kanyang suporta sa legalisasyon ng medical marijuana.