Posibleng suspindihin ang umiiral na fuel excise tax sa bansa kasunod ng nangyaring pag-atake sa oil facilities ng Saudi Arabia.
Ito, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, chair ng Senate Committee on Energy, ay kung tatlong buwang magkakasunod na magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa.
Maaari aniya itong awtomatikong suspindihin dahil sa impact o epekto ng naturang Saudi oil attack sa suplay ng langis sa bansa.
Kung tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng petrolyo ng tatlong buwan, pwedeng i-suspend ito, automatically, ani Gatchalian.
Samantala, ganito rin ang naging pahayag ni Bong Suntay, pangulo ng Independent Philippine Petroleum Companies Associaiton (IPPCA), hinggil dito.
Ayon kay Suntay, maaaring ipatigil ang excise tax kung umabot na sa 80 dollars ang oil price per barrel na dati ay naglalaro lamang aniya sa 60 dollars ngunit sumipa na rin sa 68 dollars per barrel ngayon.
Maaaring gawin ito ng pamahalaan [kung sumipa na sa 80 dollars ang oil price per barrel],” ani Suntay.
Iminungkahi naman ni Gatchalian na mag-diversify o huwag lamang umasa sa iisang source ng langis ang suplay ng bansa.
Dapat nagdi-diversify tayo ng source, ibig sabihin, hindi natin nilalagay sa isang source ang ating suplay [ng langis],” ani Gatchalian.
Dagdag pa ni Gatchalian, magpapatawag na siya ng emergency hearing hinggil dito upang mabigyang linaw ang kasalukuyang sitwasyon at magbigay ng update sa publiko hinggil sa naturang pangyayari.
Magpapatawag kami ng emergency hearing para mabigyan ng linaw itong sitwayon at mabigyan ng update ang ating mga kababayan kung ito ay lumala, ani Gatchalian. — sa panayam ng Ratsada Balita.