Matatanggap na ng mga jeepney drivers ang kanilang fuel subsidy ngayong araw.
Ito ang kinumpirma kahapon ni DOTR representative Joemier Pontawe na nasa 136,000 na mga jeepney driver ang makikinabang sa subsidiya sa pamamagitan ng kanilang Pantawid Pasada cards.
Ang naturang subsidiya ay tugon sa patuloy na pagsipa ng presyo ng langis.
Ayon kay Pontawe, tanging ang mga jeepney driver muna ang makakatanggap ng ayuda habang kailangan munang maghintay ng ikalawang kwarter ng iba pang uri ng transportasyon tulad ng tricycle.
Samantala, nakikipag-ugnayan naman na ang DOTR sa DILG para sa subsidiya ng mga tricycle drivers gayundin ang DTI para naman sa mga service delivery riders.
Ipinabatid naman ni Sherwin Roy Calumba ng DOTR, baka matagalan pa bago maipamigay sa tinatayang 43,000 na tricycle drivers ang kanilang fuel subsidy dahil na rin sa mga kinakailangang koordinasyon.