Kasado na ang pagbibigay ng fuel subsidy sa mga tsuper ng Public Utility Vehicle (PUV) ngayong Marso, ngunit hindi pare-pareho ang matatanggap na ayuda dahil nakadepende ito sa pinapasada ng driver.
Inanunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na para sa mga nagmamaneho ng jeep, bus at UV express ay 6,500 pesos ang kanilang makukuha para sa unang bugso ng subsidiya.
Ayon kay LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion, pagdating sa mga tricycle driver ay mas mababa ang ayudang matatanggap ng mga ito.
Samantala, bukod sa mga jeep, bus, tricycle at UV express driver, pasok din sa subsidiya ang mga nagmamaneho ng taxi, shuttle service, at parte ng ride-hailing at delivery service, habang ang mga kolorum naman ay blangko sa ayuda lalo’t iligal ang pamamasada ng mga ito. -sa panulat ni Mara Valle