Sa gitna ng hindi maawat na oil price increase, isang fuel tanker na may kargang 20,000 litro ng gasolina na nagkakahalaga ng 1.5 million pesos ang na-hijack sa bayan ng Sariaya, Quezon.
Apat umanong suspek ang nangharang sa truck na pag-aari ng 4M Transport Intel Corporation habang patungong Lucena City mula sa Alora Depot sa Barangay Castañas, Sariaya.
Kinilala ni Quezon Provincial Police Office Director, Col. Joel Villanueva ang tatlo sa mga suspek na sina Vincent Reyes, na kalauna’y naaresto, Philip Magtanggol at isang alyas Joli.
Nasakote si Reyes sa tulong ng kanyang cellphone na naiwan sa loob ng truck habang sina Magtanggol, alyas Joli at isang hindi pa nakikilalang salarin ay pinaghahanap pa rin.
Tinutukan umano ng baril nina Reyes ang driver ng truck bago ito itinali at piniringan at iniwan sa gilid ng kalsada.
Narekober naman ang fuel tanker sa Barangay Manggalang-Bantilan matapos ang follow-up operation.