Ipatutupad ngayong araw ng Philippine National Police (PNP) ang full alert status kasabay ng pagbubukas ng unang araw ng Simbang Gabi.
Ayon kay PNP Chief Pol. Gen. Rodolfo Azurin Jr., aabot sa 192,000 o katumbas ng 85% na bilang ng mga pulis, ang idedeploy ngayong araw sa ibat-ibang lugar sa bansa partikular na sa Metro Manila.
Layunin nitong masiguro ang seguridad at kaligtasan ng publiko partikular na ang mga pupunta sa mga simbahan para makiisa sa isasagawang Simbang Gabi ngayong Holiday season.
Sinabi ni Azurin, na maagang nagsagawa ng Christmas party ang PNP, bilang paghahanda sa Christmas break dahil inaasahan ang pagdagsa ng mga tao sa mga mall, party venues, parks, at mga simbahan.
Nagpaalala naman si Azurin sa mga police personnel na kinakailangan nilang magreport sa pinaka malapit na police station, sakaling kailanganin ng publiko ng police response o tulong mula sa mga otoridad.