Itataas sa full alert status ang Philippine National Police (PNP) sa buong kapuluan simula Sabado.
Bahagi ito ng paghahanda ng PNP para sa seguridad ng State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, July 22.
Ayon kay PNP Chief Police General Oscar Albayalde, ginawang nationwide ang full alert status dahil may mga nakakasang aktibidad rin sa iba’t ibang panig ng bansa.
Tiniyak ni Albayalde na 100% handa ang kanilang hanay para tiyaking ligtas at mapayapa ang mga demonstrasyon sa SONA, pabor man o kontra sa administrasyon.
Kabilang sa mga hakbang na isasagawa ng PNP ang pagpapakalat ng intelligence officers na hahalo sa mga raliyista.
Sinabi ni Albayalde na layon nitong maiwasan na mapasok ng mga terorista ang mga raliyista.
Bagamat may ilalatag anya na signal jamming devices sa mga lugar na pagdarausan ng demonstrasyon, hindi inirerekomenda ng PNP na gamitin ang mga ito.
with report from Jaymark Dagala (Patrol 9)