Handa na ang buong puwersa ng NCRPO o National Capital Region Police Office sa kanilang ilalatag na seguridad ngayong araw.
Kaugnay ito sa pagdiriwang ng ika-119 na anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan na pangungunahan nila Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo.
Ayon kay NCRPO Spokesperson Kim Molitas, nananatili ang full alert status ngayong araw bilang bahagi ng paghihigpit nila ng seguridad.
Tiniyak din ni Molitas na masusunod ang inilatag nilang security protocol habang isinasagawa ang iba’t ibang aktibidad sa lungsod ng Maynila at iba pang panig ng Kamaynilaan.
Kapwa dadalo sina Panglong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo sa paggunita ng ika-119 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong araw.
Sa Luneta, Maynila at hindi sa isla ng Kalayaan itataas ng Pangulo ang watawat ng Pilipinas kasama ang Bise Presidente at sabay din silang mag-aalay ng bulaklak.
Ayon kay NHCP o National Historical Commission of the Philippines Chairman Rene Escalante, mahahati sa apat na bahagi ang pagdiriwang na sisimulan ng flag raising at pag-aalay ng bulaklak sa Rizal Park.
Bukod sa Maynila, pangungunahan naman ni Tourism Secretary Wanda Teo ang pagdiriwang sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite; si Senadora Loren Legarda sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan; si Senador Sonny Angara naman sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan at Budget Secretary Benjamin Diokno sa Rizal Residence sa Calamba, Laguna.
Si Supreme Court Associate Justice Mariano del Castillo ang mangunguna sa pagdiriwang sa Bonifacio Monument sa Caloocan City habang si OPAPP Asst/Sec. Rolando Asuncion sa Pamintuan Mansion sa Angeles, Pampanga.
Kabilang din sa mga aktibidad sa nasabing okasyon na may temang “Kalayaan 2017: Pagbabagong Sama-samang Babalikatin” ay ang Balik-Tanaw Heritage Tour sa Pasig River, cultural performances sa Paco Park, simultaneous jobs at trade fair sa buong bansa gayundin ang iba pang public exhibits.
By Jaymark Dagala
Full alert status sa Metro Manila nakataas ngayong araw was last modified: June 12th, 2017 by DWIZ 882