Ngayon ang magandang pagkakataon para magsagawa ng full maintenance ng MRT-3 at lahat ng linya ng LRT.
Ito ang iginiit ni House Transportation Committee Chairman Edgar Mary Sarmiento sa Department of Transportation (DOTr) sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Sarmiento, maituturing itong “virtual reset button” para sa mga lumang mass transport system sa bansa, partikular na sa mga tren na madalas na nakararanas ng aberya.
Dapat din aniyang samantalahin na ang ganitong pagkakataon para maglatag ng mga kinakailangang imprastraktura at pagsasapinal sa panukalang centralized at synchronized bus dispatch system.
Malaki aniyang kaginahawahan ito sa publiko sa oras na bumalik na sa normal ang pamumuhay.
Dagdag ni Sarmiento, maaaring magpatupad ng pinaigting na biohazard protocols para sa mga manggagawang kakailanganin sa repair at maintenance works para maiwasan ang paglahat ng COVID-19. —ulat mula kay Jill Resontoc (Patrol 7)