Dapat payagan na sumalang sa home quarantine ang mga ‘fully vaccinated’ na returning residents at Overseas Filipino workers o OFWs sa kanilang pagdating sa bansa.
Ito ang panawagan ni Sen. Richard Gordon sa Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases o IATF-EID.
Maliban dito, ayon kay Gordon, saka lamang aniya dapat isalang sa COVID-19 testing ang mga ito sa ika-lima o ika-pitong araw ng kanilang home quarantine.
Sa kanyang rekomendasyon kay IATF Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., binigyang diin ni Gordon na kung isasailalim pa sa 14-day quarantine period ang mga returning residents at OFWs ay mapapagastos lamang sila ng malaki at mababawasan ng oras na dapat ay inilaan na sana nila sa kanilang mga pamilya na ilang taon ding nawalay sa mga ito.