Nakatakda nang lumipad ngayong araw patungong Beijing si dating Pangulong Fidel Ramos bilang special envoy ng Pilipinas sa China para sa unang bugso ng pakikipagpulong sa Chinese authorities hinggil sa mapayapang pagresolba sa maritime dispute ng dalawang bansa.
Alas-2:36 mamayang hapon sasakay si FVR sa Philippine Airlines flight 306 sa Terminal 2 ng NAIA.
Kasama ni Ramos patungong Tsina si dating Interior and Local Government Secretary Rafael Alunan, dating Beijing-based journalist at China expert Chito Sta. Romana, Sam Jones apo ni FVR na isang bihasa sa lenggwaheng Mandarin.
Mahalaga ang naturang pulong upang makausad ang Pilipinas at China matapos ang hatol ng Permanent Court of Arbitration noong Hulyo 12.
Magugunitang pinaboran ng Permanent Court of Arbitration ang posisyon ng Pilipinas at ibinasura ang 9 dash line at historical claims ng Tsina sa South China Sea.
By Drew Nacino | Raoul Esperas (Patrol 45)