Naglabas ng panuntunan ang lokal na pamahalaan ng Quezon City kaugnay sa Undas 2022.
Ayon sa QC LGU, ipatutupad nila ang ”No Face Mask, No Entry Policy,” sa mga bibisita sa sementeryo, at hinihikayat din ang mga ito na magdala ng hand sanitizers o alcohol bilang pag-iingat sa COVID-19.
Pinapayuhan din ang publiko na ipagpaliban na muna ang pagbisita sa sementeryo kung nakararanas ng sintomas ng naturang sakit at huwag nang isama ang mga batang edad 12 pababa na wala pang bakuna.
Bukas ang mga pampublikong sementeryo sa lungsod mula October 22 hanggang November 5, kung saan maaaring bumisita sa Bagbag at Novaliches Cemetery mula ala-6:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi habang sarado naman ang Baesa Cemetery.
Hinihimok naman ang mga pribadong sementeryo na limitahan ang oras ng pagbisita at ipagbawal ang magdamag na pamamalagi ng mga bisita.
Pinapahintulutan ang paglilinis, pagpipinta at pagsasaayos ng mga puntod hanggang ala-5:00 ng hapon ng October 25.
Suspendido naman ang interment operations sa mga public cemetery at kolumbaryo mula October 28 hanggang November 2 at magpapatuloy ito sa November 3.