Ibinunton ni Assistant Minority Leader at Gabriela Representative Arlene Brosas ang sisi sa Philippine National Police (PNP) matapos magdulot ng kalituhan sa publiko ang insidente ng pagkamatay ng PAL flight attendant na si Christine Dacera sa isang hotel sa Makati nitong Enero 1.
Ayon kay Brosas, nilinlang ng pulisya ang mga Pilipino nang i-ulat ni PNP Chief of Police General Debold Sinas na ‘case solved’ na ang insidente kahit hindi pa lumalabas ang resulta ng autopsy.
Pinuna rin ni Brosas ang pananakot ng kapulisan sa mga dawit sa kaso para lamang sumuko ang mga ito kahit wala pang inilalabas na warrant of arrest ang hukuman.
Aniya, dapat na baguhin ng kapulisan ang bulok na sistemang ito at ang pag-iimbento ng kaso ng walang sapat na ebidensya.
Giit pa ni Brosas, nais lamang magpabango ng imahe ang PNP sa ginawang hakbang na ito.
Kaugnay nito naghain ng resolusyon ang Gabriela para imbestigahan ang anila’y ‘mishandling’ sa kaso ni Dacera. —sa panulat ni Agustina Nolasco