Hindi pipigilan ng grupo ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang idaraos na national assembly ng isang paksyon ng ruling party PDP- Laban sa pangunguna ni Senador Koko Pimentel.
Subalit sinabi sa DWIZ ni Atty. Melvin Matibag, Secretary General ng PDP-Laban na iligal ang nasabing hakbang ng grupo ni Pimentel dahil tanging ang Chairman lamang ng partido na si Pangulong Rodrigo Duterte ang uubrang magpatawag ng national assembly.
Kung sila po ay tumuloy sa pagpupulong nila, iyan naman po ay hindi natin pipigilan, pero kung anuman po ang pagpapasyahan nila na ayon po sa liderato o anumang gagawin ng PDP-Laban, ito po ay maituturing na isang illegal sapagkat ang konstutisyon po ng ating PDP-Laban pwede lang po magpatawag ng pagpupulong kung ito ay national assembly ay ang Chairman ng partido walang iba kundi si Pangulong Duterte,″pahayag ni Matibag.
Gayunman, binigyang diin ni Matibag na wala namang magiging parusa sa grupo ni Pimentel dahil malayang magpulong ang mga miyembro ng ruling party.
Wala naman aniya siyang idea kung anong Pulong ang gagawin nina Pimentel dahil natapos na ang isinagawang national assembly ng PDP-Laban noong Sabado kung saan nahalal na Pangulo si Cusi.
Wala naman po sapagkat ang PDP-Laban po ay malayang nakakapagpulong kung anuman ang pagpupulungan nila. Subalit kung ito po ay lumabag at nakakasira sa partido sila po ay kailangan nating pagsabihan. Kung kailangan pong patawan ng karampatang parusa ay iyon po ay dadaan sa proseso, wika ni Atty. Melvin Matibag sa panayam ng DWIZ.