Ini-adopt na ng Taguig City Government ang resolusyon ng Metropolitan Manila Development Authority na naglilimita sa galaw ng mga hindi bakunado kontra COVID-19.
Sa ilalim ng Advisory 62, tututok ang Taguig Safe City Task Force sa mga lugar na may mababang vaccination rate at mataas na posibilidad ng hawaan ng COVID-19, gaya ng public transportation at closed spaces.
Ayon kay Mayor Lino Cayetano, mataas ang tsansang mahawa ng mga unvaccinated individual at ang regulasyon sa kanilang galaw ay mas maiging alternatibo sa total lockdown.
Alinsunod sa resolusyon ng MMDA, dapat manatili sa kani-kanilang bahay ang mga hindi bakunado sa lahat ng oras maliban na lamang kung bibili ng essential goods at services, tulad ng pagkain, tubig o magtatrabaho.
Pinagbabawalan din ang mga ito sa indoor at outdoor restaurants at iba pang food establishments, leisure at pagpunta sa mga mall, hotel at event venue at pagsakay sa public transportation, maliban na lamang kung bibili ng essential goods.
Dapat naman anyang magpakita ng vaccination card at valid government identification ang mga bakunadong indibidwal kung magtutungo sa public at private establishments sa lungsod.