Aminado ang punong tagapagpatupad ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) response ng bansa na kulang ang 15 araw na modified enhanced community quarantine (MECQ) para pigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Gayunman, pinagsisikapan anya nila na magbunga ang mga binuo nilang strategies para mapababa ang mga bagong kaso at hindi na tumaas pa ang bilang ng namamatay sa COVID-19.
Ayon kay Galvez, ginagamit nila ang panahon ng MECQ upang isa-isang bisitahin at turuan ang mga local government units (LGUs) at health officials kung paano dapat ipatupad ang localized lockdowns at zoning.
Una nang ibinalik sa MECQ ang National Capital Region (NCR), Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal bilang tugon sa panawagan ng health workers dahil sa napupuno na ang mga ospital.