Iginiit ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na walang korapsyon sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19 dahil umano sa walang may hawak ng perang ipambibili ng Pilipinas ng COVID-19 vaccine kundi ang banko lamang.
Wala po tayong hinahawakan na pera, ang pera po, ang magbabayad bangko. Alam po natin ang transaksyon ng bangko , talagang malinis po ‘yan”, ani ni Galvez.
Tiwala rin si Galvez sa integridad ng World Bank at ng Asian development bank na siyang may hawak ng perang hiniram ng bansa.
Kumbaga sa ano, hindi po tayo magkakaroon ng tinatawag nating corruption dahil sa World Bank integrity at saka Asian Development Bank,” dagdag ni Galvez.
Samantala, sinang-ayunan naman ito ng Pangulong Duterte sa kanyang ulat sa bayan kagabi, Enero 18 at aniya’y walang sinoman sa kanila nina Galvez at Dominguez ang may hawak ng perang pambili ng bakuna.
Walang hinahawakang pera ang Republic of the Philippines ang gobyerno o sinoman. Ang ibayad natin ay ang hiniram natin sa bangko. Ang magpabili sa atin na manufacturer kunin nila ang bayad hindi sa kamay ni Galvez, hindi sa kamay ni Dominguez, hindi sa kamay ko”, wika ng Pangulong Rodrio Duterte.—sa panulat ni Agustina Nolasco