Inilarawan ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na isang Napakabait na tao ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez kayat napakabihira nitong magbigay ng anumang pahayag na laban sa isang tao.
Ginawa ni roque ang pahayag matapos na maglabas ng kanyang hinaing o sama ng loob si Sec. Galvez laban kay Dr. Tony Leachon na sinibak ni Pang. Rodrigo Duterte bilang National Task Force Against COVID-19 adviser.
Ayon kay Roque, malaki umano ang kanilang pagkakaiba ni Galvez dahil hindi aniya maldito ang pagkatao nito.
Kayat kapag nakita ani Roque na nagalit si Galvez, tiyak aniyang mayroon itong pinaghuhugutan o malalim na dahilan.
Matatandaang kahapon deretsahang sinopla ni Galvez ang pahayag ni Leachon na dapat na daw na buwagin ang IATF dahil sa hindi umano nakabase sa siyensiya ang mga isinusumite nitong rekomendasyon kay Pang. Duterte.
Bwelta ni Galvez, sablay at hindi pinagbuti ni Dr. Leachon ang kanyang trabaho sa National Task Force, kungsaan napansin aniya nila na wala itong word of honor, mayroong personal na motibo, at talagang hindi magandang kasama sa trabaho dahil sa napakataas aniya ng tingin sa sarili at laging pinangungunahan ang mga ginagawang pag-aaral at desisyon ng IATF.
Ito ani Galvez ang mga mabibigat na dahilan kung bakit tinanggal o sinipa si leachon bilang miyembro ng NTF.
Samantala, sinabi naman ni Sec. Roque na bitter lamang ito dahil hindi naitalagang kalihim ng DOH. —ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)