Tuloy-tuloy ang paghahanda ng pamahalaan sa inaasahang pagdating ng mga bakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr, magkatuwang ang national government at local government unit, inihahanda na ang mga kinakailangan para sa pagdating ng mga COVID vaccine.
Ani Galvez, ang LGU kasi ang magsisilbing grass root implementer ng vaccination program kaya’t mahalagang maaga pa lamang ay maging handa na rin sila.
Inatasan na umano ng pamahalaan ang mga LGU na ayusin na ang kanilang listahan ng mga makatatanggap ng COVID-19 vaccine gayundin ang mga vaccination centers sa kanilang lugar.
Sa susunod na linggo, nakatakda umanong magsagawa ng walk through ang pamahalaan bilang paghahanda naman sa pagtanggap ng bansa sa pagdating ng mga bakuna sa susunod na buwan.