Umalma si Vaccine Czar Carlito Galvez sa umano’y favoritism sa pamamahagi ng COVID- 19 vaccines sa buong bansa.
Una nang inihayag ni dating Health Secretary ngayo’y Iloilo Congresswoman Janette Garin na mayruong palakasan o patronage system sa distribusyon ng mga bakuna kontra COVID-19.
Ipinabatid ni Galvez na ang mga bakuna ay ipinamamahagi nila sa regional centers for health development ng DOH gayundin sa mga local government unit at mga Alkalde ng highly urbanized areas.
Hindi aniya pupuwede ang gustong mangyari ni Garin na ibigay sa kanya ang supply ng bakuna dahil maguguluhan ang ibang LGU’s lalo na’t hindi naman sila kabilang sa mga lineage ng distribution.
Bukod dito , binigyang diin ni Galvez na ilang pulitiko ang gustong gamitin ang COVID-19 vaccination program para sa sariling political agenda.