Pinagpapaliwanag ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año si PNP OIC Police Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa.
Ito ay makaraang magkahalo-halo ang ilang terms & figures sa pondo ng Philippine National Police (PNP) sa isinagawang joint command conference kasama ang AFP sa Malakanyang kamakailan.
Ayon kay Año, naniniwala siyang honest mistake lamang ng nangyari kaya kanya nang inatasan si Gamboa na magsumite ng report kay Pangulong Rodrigo Duterte para maisaayos ang gusot at mapawi ang mga pagdududa sa pondo ng PNP.
Dagdag pa ni Año, naging maayos naman aniya ang procurement sa kagamitan ng PNP sa nakalipas na dalawang taon.
Magugunitang inatasan ni Pangulong Duterte si Año na pamahalaan ang procurement ng PNP sa paniniwalang nababahiran na ito ng katiwalian. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)