Inihayag ng Department of Health (DOH) na mamamahagi ito ng mahigit P3-M halaga ng medicine supplies at commodities sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyong Paeng.
Bago pa ang pananalasa ng bagyo ay naipamahagi na ang mga suplay sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Caraga, Bangsamoro Region at National Capital Region.
Ayon kay DOH OIC Maria Rosario Vergeire, ito ay para agad na maipamahagi ang mga suplay sa mga naapektuhan.
Karagdagang mahigit 72 milyong pisong halaga ng commodities naman ang inihanda sa central office warehouse ng DOH para sa mobilization.
Inilagay rin sa high alert ang DOH regional hospitals para makapaghanda sa agarang deployment o augmentation at ang posibleng pagtaas ng hospital admissions.
Samantala, iniulat ng DOH na isina-aktibo nito ang kanilang inter-agency committee on environmental health para pag-usapan kung paano tutugunan ang acute gastroenteritis, diarrhea cases at cholera outbreaks na naiulat kamakailan na maaaring resulta rin ng pananalasa ng bagyo at pagbaha. —mula sa panulat ni Hannah Oledan