Hinimok ng isang mambabatas ang Department of Health (DOH) at Trade and Industry na makialam upang pababain ang presyo ng gamot na inirereseta ng mga doktor.
Ito’y para sa mga pasyenteng kasalukuyang nagpapagaling mula sa sakit na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) partikular ang mga therapeutic drugs na pumapalo sa P60,000 ang halaga.
Ayon kay House Assistant Majority Leader Precious Hipolito – Castelo, kabilang sa mga ito ang remdesivir, hydrocychloroquine, dexamethasone at ivermectin.
Batid naman ng mambabatas ang testimoniya ng mga doktor na nakatutulong nga ang mga nabanggit na gamot para sa mga may sakit dulot ng COVID-19, subalit hindi naman ito abot kaya lalo na ng mga mahihirap na Pilipino.
Kung maibababa aniya ang presyo ng mga nabanggit na gamot, tiyak na maproprotektahan nito ang mga mahihirap na Pinoy at mapaglalaanan ng pondo ng PhilHealth na siyang sumasalo sa gamutan at pagpapa-ospital ng mga pasyente ng COVID-19.
Kailangan din aniyang matiyak ng pamahalaan na walang sinuman mula sa importer, manufacturer, distributor, reseller, trader, government o private entity ang magho-hoard ng mga gamot kontra sa nasabing sakit.