Binalaan ni dating Health secretary at ngayo’y House deputy minority leader Janette Garin ang Department of Health (DOH) sa maramihang pagbili ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing kit na nilikha ng mga scientists mula sa University of the Philippines.
Ayon kay Garin, nakakatakot ang naging desisyon ng Food and Drug Administration (FDA) na magpalabas ng certificate of exemption para sa nabanggit na testing kits.
Ito aniya ay dahil hindi pa dumadaan sa proseso ang naturang testing kit para matiyak ang accuracy, sensitivity at pagiging sigurado ng resulta nito lalu na’t kakaunti pa lamang aniya ang sample nito.
Sinabi ni Garin, posibleng magresulta pa ito ng false negative o false positive na magdudulot ng kalituhan sa mga pasyente.
Dagdag ni Garin, mismong ang World Health Organization (WHO) na aniya ang nagsabing hindi pa nila naisasailalim sa evaluation ang bagong testing kit para sa COVID-19.
Iginiit naman ng kongresista na suportado niya ang mga filipinong scientists pero hindi aniya dapat magkaroon agad ng mass production at gastusan ito ng malaki.