Handang harapin ni dating Health Secretary Janette Garin ang anumang kaparusahan sakaling may pagkukulang siya kaugnay sa implementasyon ng dengue vaccination program.
Tiniyak ito ni Garin matapos siguruhin ding hindi aatras sa imbestigasyon ng Senado at National Bureau of Investigation (NBI) matapos magbabala ang Sanofi Pasteur, manufacturer ng ‘dengvaxia’ na hindi dapat iturok ang naturang bakuna sa hindi pa nagkakaroon ng dengue.
Sinabi ni Garin na nagsimula na ang nasabing programa bago pa man siya maging Health Secretary noong Aquino administration.
Ipinatupad lamang aniya nila ang dengue vaccination program base na din sa panuntunan at rekomendasyon ng World Health Organization o WHO at bago pa man maipalabas ang Strategic Advisory Group of Experts (SAGE) ng WHO hinggil sa immunization may mga pulong at konsultasyon na sa pagitan ng experts, WHO at Department of Health (DOH) technical officials.
Ayon kay Garin, sasagutin niya ang lahat ng mga tanong sa tamang panahon at forum bukod pa sa hihintayin niya ang paglilinaw ng DOH at WHO sa usapin.