‘Distorted timeline.’
Ito ayon kay dating Health Secretary Janette Garin ang iprinisinta ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa pagbili at pagpapatupad ng dengvaxia.
Sinabi ni Garin na iba ang timeline ng Food and Drug Administration o FDA na isang hiwalay na ahensya gayundin ang timeline ng program directors at maging ng Office of the President.
Tiniyak ni Garin ang kahandaang iharap ang kanilang mga dokumento at timeline na magpapakita ng katotohanan sa dengue immunization program ng gobyerno.
Nanindigan si Garin na hindi minadali ang pagbili ng dengvaxia na mapapatunayan na rin aniya ng integrity management report nilang dumaan ito sa tamang protocol.
Ex-Health Secretary Ona
Samantala, walang kaugnayan sa isyu ng Sanofi Pasteur ang tampuhan nina dating Health Secretary Enrique Ona at dating Pangulong Noynoy Aquino.
Nilinaw ito ni Ona matapos umaming maaaring hindi nagtiwala sa kaniyang advice ang dating pangulo hinggil sa pag-apruba nito sa dengvaxia.
Magugunitang sa mga nakalipas na pagdinig ng Senado sa usapin ng dengvaxia, iginiit ni Ona na hindi siya kasama ni Aquino sa Beijing nang makipagpulong ito sa mga opisyal ng French Pharmaceutical Company.
Tinukoy din ni Ona na pinayuhan siyang mag-leave bago ang kaniyang resignation kasabay ang pagsisi kay dating Health Secretary Janette Garin sa kontrobersya ng dengvaxia.
—-