Itinanggi ni dating health secretary at ngayo’y Iloilo Representative Janet Garin na muntikan siyang maaresto dahil sa kasong may kinalaman sa kontrobersyal na dengvaxia.
Ayon kay Garin, walang ipinalabas na warrant of arrest laban sa kanya kundi abiso lamang mula sa korte na hindi pa siya nakapaglalagak ng piyansa gayundin ang tatlo pang kasama niyang akusado.
Aniya, nakasaad sa natanggap niyang court document na ikokonsidera ng Quezon City Court ang kanyang ilalagak na piyansa sa Muntinlupa City, Imus Cavite at iba pang korte.
Sakali din aniya walang nakuhang record ang Q.C. Court, bibigyan niya na lamang ito ng kopya ng mga hawak niyang dokumento.
Iginiit ni Garin, ang naturang kumalat na balita ay isang panibagong pagtatangka para ilihis at ikondisyon ang isipan ng publiko.
Dagdag ni Garin, ibinasura na rin aniya ng korte ang unang batch ng reklamo kaugnay ng dengavaxia na inihain laban sa kanya.