Maituturing na pinakamahal ang gaganaping eleksyon sa kasaysayan ng botohan sa Pilipinas.
Batay sa monitoring ng Nielsen Media na kinumisyon ng PCIJ o Philippine Center for Investigative Journalism, aabot sa P54 milyong piso ang halaga ng political ads na lumalabas kada araw para sa mga national candidates o katumbas ng P2.7 billion pesos mula lamang February 9 hanggang March 31.
Hindi pa kasama dito ang tinatayang P7.5 billion pesos na ginastos ng mga national candidates sa kanilang pre-campaign ads o mula March 2015 hanggang sa magsimula ang pormal na pangangampanya noong February 9.
Batay sa report ng PCIJ, kung pagsasama-samahin, aabot sa P10.2 billion ang halaga ng political ads ng mga national candidates mula Marso ng nakaraang taon hanggang Marso ng kasalukuyang taon.
Spending Limit
Mahigit kalahati na ng itinakdang gastusin para sa kampanya ang nagastos nina Vice President Jejomar Binay at Senador Grace Poe mula February 9 hanggang March 31 ng taong ito.
Batay sa monitoring ng Nielsen Media na kinumisyon ng Philippine Center for Investigative Journalism o PCIJ, nasa P345 milyong piso na ang nagastos ni Binay sa kanyang political ads o mahigit 63 percent ng limitasyong itinakda ng batas.
Samantala, pumapalo naman sa mahigit P331 milyon ang nagastos na ni Poe o halos 61 percent ng limitasyong itinakda ng batas.
Si dating Secretary Mar Roxas ay halos P200 milyon na ang nagastos sa kanyang ad placements sa unang dalawang buwan ng kampanya samantalang mahigit naman sa P100 milyon ang kay Mayor Rodrigo Duterte.
Samantala nangunguna naman sa pinakamalaki ang gastos sa ad placement sa unang dalawang buwan lamang ng kampanya si Congresswoman Leni Robredo na umabot sa mahigit P237 million.
Maliit lamang ang pagitan nila ng sumunod na si Senador Chiz Escudero na gumastos na ng mahigit sa P236 million at pangatlo si Senador Allan Peter Cayetano na gumastos na ng P172 million.
Hindi pa kasama sa inilabas na datos ng Nielsen Media ang gastos ng mga kandidato para ngayong buwan ng Abril kung kelan mas bumuhos pa ang maraming political ads sa telebisyon.
Senators
Nangunguna si dating MMDA Chairman Francis Tolentino sa may pinakamalaking ginastos sa political ads sa pagpasok ng opisyal na campaign period noong February 9 hanggang March 31.
Sa nagdaang halos dalawang buwan lamang ay pumalo sa P135 million ang ginastos ni Tolentino sa kanyang political ads.
Sumunod rito sina Senador Franklin Drilon, halos P94 milyon, Congressman Sherwin Gatchalian, mahigit sa P84 milyon at dating Senador Richard Gordon, halos P83 milyong piso.
Halos kalahati na rin ng limitasyong itinakda ng batas sa paggastos ang nailagay sa political ads nina Senador Ralph Recto, mahigit P77 milyong piso, Senador Francis Pangilinan, P75 milyong piso at Congressman Martin Romualdez , mahigit sa P72 milyong piso.
Subalit kung isasama ang gastos ng mga kandidato sa political ads bago pumasok ang official campaign period mula February 1 hanggang 8 lamang ay gumastos si Romualdez ng mahigit P120 million sa kanyang political ads.
By Len Aguirre
Source: Philippine Center for Investigative Journalism