Hinamon ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang Senate Blue Ribbon Sub Committee na isapubliko ang mga nagastos nito sa mga pagdinig laban sa kaniya.
Ayon kay Atty. Rico Quicho, tagapagsalita ni Binay, karapatan ng bawat Pilipino kung magkano ang ginastos sa mga pagdinig dahil buwis ng taumbayan ang siyang ginamit dito.
Iginiit ni Quicho, nasasayang lamang ang pondo ng bayan dahil sa mga walang katotohanang alegasyong ibinabato sa Bise Presidente.
Kasunod nito, binanatan ni Quicho ang mga senador na nag-iimbestiga kay Binay na tigil na ang pagpapahayag na in aide of legislation ang kanilang ginagawa dahil bistado na ang kanilang pakay na ipahiya at sirain si Binay bago ang pampanguluhang halalan sa susunod na taon.
By Jaymark Dagala | Kevyn Reyes