Pinamamadali na ni Senador Sherwin Gatchalian ang implementasyon ng National ID system para makatulong sa contact tracing na isinasagawa para labanan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Gatchalian, mapapadali at mas maiiwasan ang pagkakamali kung mayroon nang ID ang bawat Pilipino.
Ani Gatchalian, magkakaroon kasi ang bawat isang mamamayan ng sarili nitong numero bilang pagkakakilanlan sa ilalim ng National ID system.
Mas maiiwasan din umano rito ang identification at duplication ng mga personal na impormasyon.
Giit ni Gatchalian, tiyak na maaasahan sa ganitong klaseng sitwasyon ang National ID system upang mas maging epektibo ang contact tracing at upang malaman ang iba pang mahahalagang personal na impormasyon ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.