Sang-ayon si Senador Win Gatchalian sa hakbang ng pamahalaan na patuloy na ipagbawal ang ‘mass gathering’ gaya ng pagdaraos ng Christmas party.
Ayon kay Gatchalian, ito’y para masigurong mapipigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil kaya naman aniyang makontrol ang virus, basta’t mahigpit na ipatupad at sundin and mga umiiral na health protocols.
Pagdidiin pa ni Gatchalian, dapat tayong matuto sa mga karanasan ng iba’t-ibang bansa gaya ng Britain, France, at ilan pang mga bansa sa Europa na ngayo’y nakararanas ng ikalawang bugso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), kaya’t nagpatupad uli ang mga ito ng lockdown.
Bukod kay Gatchalian, pabor din sa hakbang ng pamahalaan ang mismong liderato ng senado.
Ani Senate President Tito Sotto III, batid ng pamahalaan ang makabubuti sa bawat Pilipino ngayong nasa gitna tayo ng pandemya, kung kaya’t ani Sotto, dapat sumunod ang publiko na hindi muna magdaos ng mga kasiyahan o party. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)