Mariing pinabulaanan ng Army’s 4th Infantry Division ang alegasyon ng National Democratic Front (NDF) na nasawi sa pananambang at hindi sa engkwentro ang lider NPA na si Jorge Ka Oris Madlos.
Ayon kay 4th Infantry Division Commander MGen. Romeo Brawner, hindi makatuwiran na baliktarin ng mga komunista ang kwento subalit hindi rin naman nila ito papatulan.
Giit ni Brawner, hindi nila ugali ang mang-ambush lalo na kung ang target ay mga sibilyan at mga walang kalaban-laban tulad ng ginagawa ng NPA.
Mahigpit ang paggalang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa International Humanitarian Law kaya’t malabo ang pinaparatang sa kanila ng mga komunista na halatang nagtuturo lang.
Buwelta pa ni Brawner, ang pananambang ay gawain ng mga NPA tulad ng kanilang ginawa sa mag-pinsang sina Kieth at Nolven Absalon na nabiktima ng itinanim nilang anti-personnel mine sa Masbate noong Hunyo. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)