Kumambiyo ang Malacañang sa mga anila’y sagutang beki o bading nila Presidential Spokesman Edwin Lacierda at tagapagsalita ni Vice President Jejomar Binay na si Joey Salgado.
Kasunod ito ng paggamit ng gay lingo o linguwaheng bading ng dalawa na hindi umano magandang halimbawa sa mga kabataan at nagpapakita ng hindi pagiging propesyunal.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, dapat lamang na itaas ang antas ng diskusyon, maging makatotohanan at makatuwiran ang mga sagutan lalo na ngayong umiinit na ang pulitika.
Una nang tinawag na charot ni Lacierda ang ginawang TSONA ni Binay na sinagot naman ng mga salitang beki ni Salgado tulad ng imbey o imbiyerna, fez o mukha, secretarush na mula sa mga salitang secreraty at tarush o taray, trulalu o totoo, spluk o scoop at chaka ever o pangit.
Agad namang pinuna ng mga kritiko ang sagutan ng dalawang kampo at iginiit na itaas ang antas ng debate sa halip na puro siraan o batuhan ng putik.
Sa huli, iginiit ni Coloma na nakatuon ang atensyon ng Palasyo sa plataporma, lehitimong mga usapin at mabuting pamamahala sa Daang Matuwid.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23)