Napagkasunduan ng lahat ng mga alkalde sa Kalakhang Maynila na panatilihin sa General Community Quarantine (GCQ) ang rehiyon hanggang sa katapusan ng taon.
Pahayag ni Parañaque Mayor at Metro Manila Council (MMC) Chair Edwin Olivarez, pabor ang mayorya ng kanilang mga miyembro sa rekomendasyon na panatilihin hanggang Disyembre 31 ang pinaiiral na GCQ na siyang ikalawa sa pinakamababang antas ng quarantine protocols sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng GCQ, pinapayagan na ang pagbubukas ng mga negosyo at sumakay sa mga pampublikong sasakyan pero limitado lamang ang kapasidad ng mga ito.
Maliban dito, nagkasundo rin ang Metro Manila mayors na suspendihin ang Christmas parties sa mga tanggapan ng gobyerno.
Matatandaang ipinag-utos din ng gobyerno ang pagbabawal sa pangangaroling at iba pang pagtitipon ngayong Kapaskuhan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Samantala, kumpiyansa ang mga alkalde na papaboran ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang kanilang rekomendasyon.